33

Sep 12, 2019 @ 21:58
By

Blazers dapa kay Bulanadi, Stags

Patuloy ang pagpapakitang-gilas ni Allyn Bulanadi kaya naman nasilo ng San Sebastian College Stags ang five-game winning streak sa 95th NCAA men’s basketball tournament, Huwebes sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Nangamada si Bulanadi ng 32 points upang akbayan ang San Sebastian sa 83-67 panalo kontra College of Saint Benilde Blazers.

Dahil sa panalo, lumakas ang tsansa ng Stags na sumampa sa top four pagkatapos ng 18-game eliminations kapit ang 7-3 karta.

Simula pa lang ng laban ay uminit na agad ang opensa ni Bulanadi kaya nahawakan ng Stags ang nine-point lead sa halftime.

Hindi nagpabaya ang Baste, lalong ginanahan sa third para ikahon ang 18 puntos na bentahe, 68-50, papasok ng fourth period.

Nakatuwang ni Bulanadi sa opensa sina RK Ilagan at Alvin Capobres upang ipalasap sa Taft-based squad Blazers ang pang-apat na talo sa 10 laro.

Nagtala si Ilagan ng 13 puntos, limang rebounds at apat na assists habang kumana si Capobres ng 12 markers at anim na boards.

Nirehistro ni Yankie Haruna ang 16 puntos at siyam na rebounds para sa College of Saint Benilde.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?