173

By

Blackwater tikom ang bibig kay Parks

Isa si Fil-American standout Bobby Ray Parks Jr. sa mga inaabangang makasalang na sa PBA pagkalipas ng maraming taon.

Nakakalas sa National University noon pang 2013, naging impresibo matapos makasungkit ng dalawang UAAP MVP trophy, ngunit kahit itinuturing nang pinakamalakas na local prospect ay hindi kaagad ito dumiretso sa prestihiyosong local league.

Sumubok sa kanyang NBA dream si Parks, na maswerteng nabingwit ng NBA D-League team na Texas Legends at tumagal ng isang season doon.

Matapos nito ay wala pa rin sa plano ang pagtungtong sa PBA, nagliwaliw muna sa Asean Basketball League(ABL) at kalaunan ay nagdesisyon na ring magpa-draft noong 2018 na nakuha ng Blackwater Elite para sa second overall pick.

Ngunit ngayon hindi pa rin nakapaglalaro ang 26-anyos na manlalaro para sa koponan.

Kasalukuyang tinatapos ni Parks ang kontrata sa Alab Pilipinas, nakatakdang idepensa ang kanyang korona at hindi pa tiyak ng Blackwater kung sa kanila na lalaro ang two-time ABL local MVP matapos non.

“Rayray, as of now, hindi ko kasi kontrolado yan. No comment ako kasi wala pa namang sinasabi. Alam ko after ABL dito yan,” ayon kay Blackwater head coach Bong Ramos.

Kung pagbabasehan ang kanyang Instagram post noong March 18, malaki ang tsansang huling salang na ni Parks ang sa ABL ngayong season at posibleng sunod na destinasyon ay sa PBA na.

“Last dance in the ABL,” caption ni Parks sa picture kung saan makikita ang kanyang Alab Pilipinas jersey at black mask na kanyang sinusuot sa laro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?