23

May 31, 2021 @ 14:07
By

Blacklist kampeon sa MPL season 7

Tinanghal na kampeon sa Mobile Legends: Bang bang Professional League (MPL) Philippines season 7 ang Blacklist International matapos daigin ang Execration sa isang best-of-seven series nitong Linggo.

Inakala ng marami na Blacklist na ang magwawagi nang walang kahirap-hirap ngunit sinurpresa ng Execration ang lahat matapos lumamang sa serye ng 3-1.

Ngunit dito na nagising ang Blacklist at dinaan sa mapanlinlang na draft at banning ang mga sumunod na laro para manalo ang games five at six.

At sa do-or-die game seven na nga ginamit ng kanilang jungler na si Danerie James ‘Wise’ Del Rosario ang Aldous na sinamahan pa ng dalawang support heroes na sina Rafaela na gamit ni Jayson ‘Eson’ Gerardo at Estes ni Jonmar ‘OhMyV33nus’ Villaluna ang nagselyo ng panalo, 17-8, sa loob ng 20 minuto.

Ang dalawang koponan ang magiging representative ng bansa sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2021 na gaganapin mula Hunyo 7 hanggang Hunyo 13.

Bagamat nabigo sa championship series ay marami pa ring pinabilib ang Execration sa torneo matapos pataubin ang dating finalist na Omega, dating kampeon na Bren Esports at contender na Aura PH para makapasok sa finals.

Sa darating MSC ay muling sasandigan ng Execration sina Joshua ‘Ch4knu’ Mangilog, Kiel VJ ‘Kielvj’ Hernandez at Duane ‘Kelra’ Pillas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?