430

Biyudo, kalaboso sa pangmomolestiya ng dalagita

Sa kulungan ang bagsak ng isang biyudo matapos na molestiyahin ang isang dalagitang kapitbahay niya habang nag-iigib ng tubig sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PO1 April Lyn Bravo, ng Navotas City Police-Women and Children’s Protection Desk, ganap umanong alas-nuwebe ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Sampaguita St., Barangay Tanza ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umanong nag-iigib ng tubig na kanyang pampaligo ang biktimang itinago sa pangalang “Lori”, 17-anyos, ng nasabi ring lugar, nang mapansin niyang tila nakatitig sa kanya ang lasing na suspek na si Ramil de Luna, 52, biyudo na kapitbahay lang nila.

Hindi siya pinagtuunan ng pansin ng biktima at nagpatuloy lamang sa pag-iigib ng tubig ngunit laking gulat na lamang niya nang hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanya ang suspek at walang ano-ano’y dinakma siya sa maselang bahagi ng kanyang katawan, dibdib at puwetan.

Agad siyang nagsisigaw at humingi ng saklolo sa ina na mabilis ding lumabas ng kanilang bahay at agad na kinalas sa kanyang pagkakayapos sa anak ang suspek. Mabilis din na humingi ng saklolo sa kanilang barangay ang ina ng biktima na nauwi sa agarang pagkakaaresto sa suspek.

Kalaunan ay idiniretso sa himpilan ng pulisya ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong acts of lasciviousness in relation to RA 7610 o Special Protection Against Child In Abuse, Exploitation and Discrimination Act. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?