113

Dec 20, 2017 @ 10:50
By

Biyuda, nabiktima ng Budol-Budol; suspek nagpakilalang classmate ng anak

Natangayan ng malaking halaga ng pera at mga alahas ang isang biyuda makaraang mabiktima ng “Budol-Budol” noong Linggo ng umaga pagkagaling sa misa sa San Antonio de Abbot Catholic Church sa Brgy. Poblacion, San Antonio, Nueva Ecija.

Sa ulat ni P/Chief Insp. Marlon Cudal, nakilala ang biktima na si Felisitas Soriano De Leon, 77, residente ng Brgy. Poblacion, San Antonio.

Nabatid na dakong alas-9:30 ng umaga kalalabas lang ng simbahan ng biktima nang lapitan siya ng isang babaeng suspek na nagpakilalang dating kamag-aral ng anak ng biyuda.

Pinakitaan umano ng mga US dollar bills ang biyuda at hiniling dito

na palitan nito sa peso bills. Naamuki pa ang biktima na sumakay sa SUV ng salarin na minamaneho ng isang lalaki at isama ang mga ito ng biyuda sa kaniyang tahanan sa Brgy. Poblacion.

Hanggang nakunan ang biyuda ng P30,000 cash at mga alahas na halagang P10,000 at ipinahawak umano ang boodle money sa biyuda na niyaya pa sa Brgy. Tikiw.

Pagsapit sa naturang lugar ay doon na iniwan ang biktima at huli na nang mapagtanto nitong nabiktima siya ng Budol-Budol. (Jojo De Guzman)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?