Isang Cathay Pacific flight mula sa HongKong na patungo sa Sydney, Australia ang bumalik sa Special Administrative Region (HongKong) habang ito ay nasa teritoryo ng Pilipinas dahil sa napaulat na engine trouble.
Ang flight CX flight 139, gamit umano ang B-777 twin-engine plane, ay nag-request sa Manila Tower na magsasagawa ito ng emergency landing bandang alas-dos kahapon ng hapon dahil sa nag-shutdown ang isang makina nito.
Dahil dito, kaagad na naghanda ang Manila International Airport Authority (MIAA) fire and rescue teams para i-deploy sa runway 06-24 para sa paglapag ng nasirang eroplano.
Subalit, dakong alas-2:45 ng hapon, ayon sa airport sources, nagdesisyon ang piloto nito na ibalik na lamang sa HongKong airport at kinansela ang hiniling na emergency landing.
Ayon sa ulat, ligtas na nakalapag ang flight CX139 sa HongKong airport. (Otto Osorio)