139
ABANTE british airways surot
By

Biyahe ng British Airways, naantala ng surot

Naantala ang pagbiyahe ng British Airways patungong Ghana matapos mangati ang ilang pasahero dahil sa nakitang mga ‘surot’ na gumagapang sa passenger seats.

Batay sa report, nanatili muna sa Heathrow Airport sa London ang eroplano dahil sa reklamo ng ilang pasahero sa nakitang gumagapang sa kanilang upuan, kung kaya naantala ng apat na oras ang pagbiyahe at hinanapan pa ng kapalit na eroplano.

Napag-alaman sa statement ng British Airways management, sinabing mahalaga sa kanila ang kaligtasan at ang pagiging komportable sa kanilang eroplano kaya agad na iniutos na huwag munang gamitin ang eroplano at isailalim ito sa treatment, batay sa report na kanilang nakalap na mayroon umanong ‘surot’.

Matatandaang noong Oktubre 2017, isang pamilya mula Canada ang nagreklamo dahil nagtamo sila ng kagat ng ‘surot’ matapos ang siyam na oras na biyahe mula British, Columbia patungong Britain sakay ng British Airways habang Disyembre ay may naiulat na isang lalaki rin ang nagtamo ng kagat ng ‘surot’ matapos sumakay sa business class ng British Airways flight.

Napag-alaman ng Abante/Abante Tonite na walang kinalaman ang pamunuan ng British Council Philippines na matatagpuan sa Taipan Place Emerald Ave., San Antonio, Pasig City sa anumang kasiraan o transaksiyon ng British Airways. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?