17

Nov 24, 2021 @ 16:23
By

Bishop Villegas: Vote-buying ‘marka ng demonyo’

Tinawag ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na “marka ng demonyo” ang pagbili ng boto o vote-buying.

Sa Instagram post, pinayuhan niya ang mga botante ng dapat gawin kapag inalok ng pera ng kandidato.

Dapat aniyang tanggihan ng botante ang pera o ayuda kapag may kapalit at nagbabala laban sa pagkapit sa patalim.

“Kung may magbigay ng pera o ayuda at hingin ang boto mo, tumanggi ka, magalit at magsumbong. Kapag ginawa mo ito, maliwanag ang message: I am not for sale! Hindi ako bayaran! Tigilan mo na yan!” ani Bishop Villegas.

“Kung may matinding pangangailangan tulad ng gutom o bingit ng kamatayan at bigyan ka ninuman ng walang hinihinging kapalit, tanggapin bilang gift sa iyo. Huwag sumamba sa kandidatong nagdiyus-diyusan. Huwag mabahala na hindi iboto ang nag abot ng pera o ayuda. Boss ka nila hindi member ng fans club at lalong hindi slave. Wala kang pananagutan na tuparin ang usapang marka demonyo,” patuloy niya.

“Kapag tinanggap ang ‘tulong’ sabay ng bulong na ‘iboto mo ako’, baka maging bad example ka pa sa iba. Baka gayahin ka nila. May awa ang Diyos. Tanggihan mo. Bahala na ang Diyos na tutulong sa iyo. Huwag kumapit sa patalim. Masusugatan ka,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?