77

Jul 21, 2021 @ 15:48
By

BIR atras sa 12% VAT sa mga pang-export na materyales, serbisyo

Inanunsyo ni House Committee on Ways and Means chairperson at Albay Rep. Joey Salceda na pumayag ang Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na huwag ituloy ang pagpapataw ng 12% Value Added Tax (VAT) sa mga materyales at serbisyo na gagamitin sa produkto na pang-export.

Sinabi ni Salceda na makatutulong ang hindi pagpapatupad ng BIR Revenue Regulation 9-2021 sa export industry ng bansa na naapektuhan ng pandemya.

Sa isinagawang briefing ng komite ni Salceda ngayong Miyerkoles, sinabi ng solon na pumayag ang DOF at BIR na huwag ipatupad ang regulasyon habang gumagawa pa ng batas ang Kongreso na mag-aamyenda sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ang RR 9-2021 ay ginawa alinsunod sa TRAIN law na nagpapataw ng 12% buwis sa mga produkto at serbisyo na dati ay hindi pinapatawan ng VAT gaya ng raw materials o packaging materials, repacking at paggawa ng mga produkto na gagamitin ng mga dayuhang kompanya sa paggawa ng kanilang produkto.

Sinabi in Salceda na pumayag din ang DOF na ipatupad ang probisyon ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law, na makatutulong sa mga exporter.

“CREATE hopes to ease the operations of exporters, enhance the country’s competitiveness, and encourage sourcing of materials from local suppliers. That’s the spirit of the legislation. That’s why it insists on the zero-rating for local inputs, on top of enhanced deductions for them,” dagdag pa ni Salceda. (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?