43

Sep 8, 2020 @ 16:39

Binulabog tirahan ng endangered animal! DENR bawal na humakot ng bato sa Cebu

Ray Mark Patriarca

Pinatigil ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang operasyon ng dalawang korporasyon na nagsu-supply ng dolomite rock sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nilagay sa Manila Bay.

Ayon sa nilabas na Executive Order No. 27 series of 2020 ni Garcia, kanyang pinag-utos ang agarang cease and desist order para sa Dolomite Mining Corporation at Philippine Mining Service Corporation (PMSC) para mag-extract, magproseso, magbenta at magbiyahe ng dolomite rock at iba pang resources sa kanilang lalawigan.

Saad sa nilabas na kautusan ni Garcia, hindi umano nagpaalam sa mga lokal na opisyal ng Cebu, maging sa bayan ng Alcoy kung saan ginanap ang pagkuha ng mga dolomite rock, ang naturang mining corporation para humakot ng pitong tonelada ng bato at dalhin ito sa Manila Bay.

Ito’y sa kabila ng pagbibigay ng dalawang ore transport permit ng Mines and Geosciences Bureau Central Visayas sa PMSC para sa mga dolomite rock.

Isa pang punto ni Garcia ay ang piniling extraction site para sa gagamiting synthetic white sand sa Manila Bay, kng saan tinuturing na ang lugar na ‘environmentally critical area’.

Bukod pa dito, habitat area din ng Siloy, isang endangered species ng ibon, ang lugar ng Alcoy, ngunit ito pa rin ang pinagkunan ng bato para sa DENR project.

“The extraction of Dolomite minerals from Alcoy and the consequential damage it will cause the terrestrial environment of Cebu Island violate the Cebuano’s constitutional right to a balanced and healthful ecology…” ayon sa EO ni Garcia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?