290

Feb 10, 2021 @ 16:22
By

Bintang na may kurakot sa pandemya ni BBM, kinontra ni Panelo

Sinagot ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang paratang ni dating Senador Bongbong Marcos na may humahakot ng pera gamit ang COVID-19 pandemic.

Sa panayam ng ‘Balitaan at Kumustahan’ sa Politiko Live, dating sinabi ni Marcos na dapat makulong lahat ng kumakamal ng salapi sa kabila ng pandemya.

Tugon naman ni Panelo, dapat ay pormal na magreklamo ang sinumang tingin ay napasok ng katiwalian ang COVID-19 response.

“Kung mayroon kang ebidensya, file it! Hindi puwede ‘yang propaganda na sasabihin niyong mayroong korapsyon,” giit ni Panelo.

Depensa ni Panelo base sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang perang ginagamit para sa COVID-19 response at pambili ng bakuna ay galing sa utang at hindi dumadaan sa kamay ng mga nasa pwesto.

Nilahad din nito na malinis ang reputasyon ni Carlito Galvez Jr, ang vaccine czar ng administrasyon.

Paliwanag pa ni Panelo, ang tunay na problema ng bansa ay ang bilang ng mga Pilipino na ayaw magpabakuna.

“Mayroon tayong pera pambayad, mayroon tayong darating na bakuna, pero kung more than kalahati ‘yung biniling bakuna, ‘di sayang lang ‘yung mga binili natin?” ani Panelo.

Paniniwala pa ng dati ring tagapagsalita ng Pangulo, posibleng may nagbigay umano ng maling impormasyon kay Marcos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?