187

Oct 20, 2017 @ 13:09

‘Bingwit’ modus sa Pasay City Jail, buking

Kasama sa mga kinumpiska ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa isinagawang Oplan Greyhound sa Pasay City Jail kahapon ng umaga ang ilang piraso ng balabal ng detenido.

Ayon kay Jail Sr. Insp. Orlando Alicante Jr., deputy warden ng city jail, ang mga balabal at damit ay pinagtatali-tali ng mga detenido at inilalabas sa bintana ng kanilang selda para pagsabitan ng mga kontrabando.

Aniya, may mga kasabwat ang mga detenido na nag-aabang sa ibaba ng pasilidad.

Alas-5:30 ng madaling-araw nang mabulabog ang mahigit sa 1,100 preso dahil sa paggalugad ng mga tauhan ng BJMP katuwang ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency at Pasay City police SWAT team.

Halos sabay-sabay na pinasok ang 16 na selda sa male dormitory, pinaghubad ang mga preso ng kanilang damit pang-itaas bago mabusising ininspeksyon ang kanilang mga personal na gamit.

Makalipas ang mahigit isang oras, wala namang droga o iba pang kontrabando na nakuha, maliban sa ilang mga balabal, electric fan, ballpen, lapis, pako at mga disposable na pang-ahit.

Samantala, sinabi ni SJO1 Sherlie Laqui, community relations officer ng Pasay City Jail, may nadiskubre sila na modus sa pagpasok ng droga sa pamamagitan ng babaeng courier.

Aniya, ang droga ay isinisilid sa condom at isisiksik naman sa loob ng ari ng drug courier o kaya’y itinatago sa buhok. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?