44

May 23, 2020 @ 20:53
By

Bingkay mahilig mag-shoot

Mahilig talaga mag-shoot kaya bago naging billiards world champion cue artist si Rubilen ‘Bingkay’ Amit ay una muna nitong sinubok ang larong basketball.

Aminado ang 2-time World 10-ball women’s champion Rubilen Amit na tulad ng iba ay hilig din nito ang basketball.

Hindi din makakalimutan ni Amit ang pagsali nito sa isinagawang basketball tryout noong nag-aaral pa sa University of Santo Tomas.

“‘Pag nakikita kong nafi-feature ang mga athletes sa UST sa Varsitarian (the university’s official organ) sabi ko, ‘Gusto ko rin n’yan.’ Parang ang sarap, tapos may jacket . . . Sobrang pangarap ko ‘yun. Ang astig ng dating na may jacket ng UST,” sabi ni Amit sa isang online interview kasama ng mahuhusay na Pilipinang atleta na sina weightlifter Hidilyn Diaz, track-and-field legend Elma Muros at world women boxing champ Nesty Petecio.

Ibinahagi ni Amit na ang tryout ay sa ilalim ni UST women’s coach Heidi Ong.

“From someone na walang background ng physical activity, grabe ‘yung mga drills. Iyung tuhod ko ‘di na kinaya, lumuluhod sa sarili ng kusa,” kuwento ni Amit.

“Tapos sabi ni coach, rest na kami from the drills, ang pinaka-rest namin talon-talon. ‘Hindi naman rest ‘to,’ sabi ko. Scrimmage naman tapos rest ulit, papunta ako sa tubig. Pinagalitan ako, pinag-sit-ups ako. Sabi, ko ‘Huh? Ito ba ang rest sa basketball? ‘Yung rest sa basketball may pahirap?’

Hindi makalimutan ni Amit na sobrang sakit ng kanyang katawan sunod na araw at hindi na makaakyat sa ikaapat na parte ng building.

“Sabi ni coach sa’kin, ‘Balik ka bukas, ha?’ Sabi ko, ‘Hindi na. One time big time na lang ‘to’,” pag-amin ni Amit.

Hindi akalain ni Amit na ang kahinaan sa basketball ang magiging kalakasan nito sa billiard.

“Siguro ito talaga ‘yung path ni God for me,” sabi ni Amit, na bilang cue artist ay nagwagi ng 7 gintong medalya sa Southeast Asian Games maliban pa sa pagwawagi sa ibang malalaking torneo tulad sa World 10-ball.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?