123

Jan 2, 2018 @ 13:33
By

Binay sa BSP: ‘Wag munang gamitin ang mga bagong barya

Nangalampag muli si Senadora Nancy Binay sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para huwag munang ituloy sa Enero 18 ang pagpapalabas ng mga bagong barya o new generation coins (NGCs) particular ang limampisong barya.

Iminungkahi ng senadora na ipagpaliban ng apat na buwan ang pagpapalabas ng NGCs para maihanda rito ang publiko.

Partikular na pinagdidiskitahan ni Binay ang bagong limampisong barya na inilabas nitong Disyembre dahil kakulay at halos kasukat ng piso ngayon.

Iginiit nito na huwag balewalain ng BSP ang isyu ukol sa posibleng pagkakalituhan sa barya dahil maari itong makaapekto sa mga commuter, sa mga tindahan at sa mga senior citizen na malalabo ang mata.

Pwede rin umano itong maging dahilan ng distractive driving kung magtatalo ang tsuper at pasahero sa pagsusuklian sa jeep o sa bus.

Iminungkahi ni Binay na magpakalat muna ang BSP ng mga poster sa mga tindahan, pampublikong sasakyan at sa iba pang pampublikong lugar para makita iyon ng publiko.

Nung una itong iginiit ni Binay noong Disyembre, iginiit ng BSP na tatlong taon nilang pinag-aralan ang disenyo at security features ng mga ilalabas na bagong barya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?