186

Dec 27, 2017 @ 14:37

Binay: Nakakalito ang bagong P5, ‘wag gamitin

Hinikayat ngayon ni Senator Nancy Binay ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ihinto muna ang pag-iisyu ng bagong limampisong barya dahil nakakalito.

Hinimok ding huwag munang ituloy ang pag-iisyu ng new generation coins na ikinasa na sa Enero 2018.

Ayon sa senadora, maaring makalito ang mga bagong barya dahil kamukha ng kasalukuyang mga barya at kulang din ang information drive dito.

Tinumbok ni Binay ang bagong limampiso na inumpisahang ilabas ng BSP ngayong Disyembre.

Nakakalito aniya ang hitsura ng bagong limampiso dahil kasing-sukat at halos kahawig ng piso ngayon dahil pilak na at hindi gaya ng papalitan na kulay ng maputlang ginto.

Maari umanong magkalituhan sa pagbabayad at sa pagsusuklian sa tindahan, tricycle, jeep at maliliit na negosyo kung saan mahalaga ang bawat sentimo.

Ang bagong limampisong coin ay may mukha ni Andres Bonifacio, pinalitan ang mukha ni Gen. Emilio Aguinaldo .

Diin ng senadora, mainam naman na magkaroon ng bagong disyenyo ang salapi pero dapat aniyang isinaalang-alang din ng Numismatic Committee ang reaksyon ng publiko sa pagbabago sa barya.

Nagkaroon din muna sana aniya ng information drive dahil biglaan ang pagpapalit ng mga barya sa sirkulasyon at masasabay ito sa mga nauna nang inisyung barya na P1, P5 at P10.

Ang Numismatic Committee ay kinabibilangan ng mga pinuno ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ng National Historical Institute na nagtatakda ng disenyo at security features ng salapi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?