41

Mar 19, 2020 @ 16:48
By

Binay mamimigay ng P85M food packs sa mga mag-aaral

Inihayag ni Makati City Mayor Abby Binay na magbibigay ang pamahalaang lungsod ng 81,995 na food packs na nagkakahalaga ng halos P85 milyon sa mga mag-aaral at kanilang pamilya sa susunod na linggo sa gitna ng enhanced community quarantine sa Luzon dahil sa coronavirus (COVID-19).

Ayon kay Mayor Binay, nasa 44,951 na mga estudyante sa elementarya mula sa kinder hanggang Grade 6, at 37,044 na mag-aaral sa high school mula Grade 7 hanggang Grade 12 ang makakatanggap ng food packs.

Ang mga mag-aaral ng SPED ay kasama rin sa listahan ng mga benepisyaryo.

Ang bawat mag-aaral sa elementarya ay makakatanggap ng isang bag na naglalaman ng dalawang pack ng pasas, limang single pack ng instant oatmeal, isang tipak ng keso, isang kahon ng hotcake mix, isang kahon ng arroz caldo mix, dalawang kahon ng champorado mix, isang pack ng full cream milk, 12 pack ng tonic food drink, dalawang single pack ng choco cereal, dalawang pack ng biscuit, dalawang pack ng chocolate flakes cereal, isang 10-piece pack ng crackers at stick biscuit, 10-piece pack ng choco bite-size biscuit at isang 18-piece pack ng fruit flavored jelly.

Samantala, ang mga mag-aaral sa high school ay bibigyan ng anim na pack ng instant oatmeal, isang tipak ng keso, tig-isang kahon ng hotcake mix at arroz caldo mix, dalawang kahon ng champorado, isang pack ng full cream milk, 12 solo pack ng tonic food drink, 10 single pack ng crackers, walong pack ng instant pancit canton, at tig-isang maliit na lata ng pineapple tidbits at pineapple juice.

Hinikayat naman ni Mayor Abby ang mga mag-aaral na manatili na lamang sa bahay at sundin ang mga patakaran sa curfew upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.

Sinimulan ng lungsod noong Lunes ang pagpapatupad ng curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw bilang bahagi ng safety measure upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?