45

Dec 26, 2017 @ 19:02
By

Binay kinuwestiyon ang hindi natupad na ‘no casualty’ sa bagyo

Ipinarerepaso ni Senadora Nancy Binay ang mga protocol ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na tumutugon sa kalamidad.

Ito ay dahil hindi nakamit sa mga nagdaang bagyo at kalamidad ang mithiin na ‘no casualty’ o walang mamamatay at madidisgrasya.

Tinukoy ng senadora ang dami ng mga namatay nu’ng manalasa ang mga bagyong Urduja at Vinta.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 40 ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Urduja sa Eastern Visayas.

Nasa 170 naman umano ang namatay sa bagyong Vinta nang manalasa sa mga Rehiyon IX, X at sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

“Habang nakikiramay kami sa mga nawalan ng mga mahal sa buhay dulot ng mga dumaang kalamidad, nais din nating maiwasan ang mga ganitong pangyayari sa hinaharap,” ayon kay Binay.

“I am calling for a full review of our existing protocols for disaster risk reduction and management (DRRM) from the national government level down to the local governments to find out if there are loopholes in the system and the steps to take to address those. Dapat po nating ibalik ang ‘zero casualty’ mindset,” dagdag ng senadora.

Kasunod ng bagyo, isinailalim sa state of calamity ang Lanao del Norte at ilang bayan sa Zamboanga del Norte.

“Marami na pong mga programa ang pamahalaan tungkol sa DRRM na puwedeng magbigay ng advance warning. Pero nakakalungkot na marami pa rin sa ating mga kababayan ang naapektuhan,” sabi pa ni Binay.

Iginiit din nito na repasuhin ang mga geohazard maps ng bawat lokalidad upang maging gabay sa pagtatayo ng mga bahay, eskuwelahana t iba pang pagawaing bayan.

Iminungkahi ni Binay na magdaos ang NDRRMC at mga regional council nito ng mas maraming pagsasanay sa pagtugon sa kalamidad para maituro rin ito sa mga komunidad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?