103

By

Binay, Gatchalian: Huwag madaliin ang casino sa Boracay

Kinuwestiyon ng ilang senador ang planong konstruksiyon ng casino sa Boracay Island.

Tanong ni Senadora Nancy Binay, kung paano ito gagawin samantalang gusto iyong ipasara ng isang taon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT) dahil naging marumi at siksikan.

Iniutos na rin umano sa isla ang anim na buwang moratorium o pagtigil sa lahat ng konstruksiyon.

Una nang sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na itutuloy ng Galaxy Entertainment Group at Leisure and Resorts World ang pagtatayo roon ng casino complex na pupuhunanan ng $500 milyon at ngayong Marso umano ang pirmahan ng kontrata.

Sinabi ni Binay na karapatan ng taumbayan na malaman kung mayroon nang mga permit ang investors at kung paano nakakuha dahil isasailalim pa ang isla sa rehabilitasyon.

Tanong din niya kung saan itatayo ang Galaxy casino dahil siksikan na ang isla.

Ayon din kay Senador Sherwin Gatchalian, dapat munang pag-aralang maigi ang konstruksiyon doon ng casino hanggang hindi pa nagagawa ang long term na rehabilitation plan para sa isla.

Ipinasusuri rin muna ang carrying capacity o kakayanan ng isla sa maraming tao na inaasahang daragsa roon kapag mayroon nang casino.

Ipinaalala na puno na ang Boracay sa mga istruktura at matindi na ang dami ng mga turista kaya dumami ang basura at naging marumi ang dagat at isla.

Wala namang nakikitang masama si Senadora Cynthia Villar, chairman ng senate environment committee, kung magtatayo ng casino sa tamang lugar.

Idiniin na ipinagbabawal dapat sa isla ay konstruksiyon sa mga wetland at forrest land at ang direktang pagtatapon ng basura sa dagat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?