31

By

Binatilyo nawalan ng balanse, nakuryente

Sharing is caring!

Todas ang isang binatilyo makaraang mawalan ng balanse at makuryente nang mapakapit sa isang electric meter steel tube na nakalawit sa ginagawang apartment sa Cubao, Quezon City.

Ayon kay SPO2 Marvin P. Masangkay, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima ay nakilalang si Jhun Diaz, 17-anyos, construction worker, at residente ng Admiral, Las Piñas City.

Siya ay namatay habang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) dakong alas-5:26 ng hapon (November 13), ayon sa attending physician na nakilalang si Dr. Leslie Delos Santos.

Sa report, ang insidente ay naganap bandang alas-4:20 ng hapon sa construction site na matatagpuan sa No. 38, 19th Ave., Brgy. San Roque, Cubao.

Abala umano ang biktima sa pagdadala ng mga construction material sa delivery truck na nakaparada malapit sa ginagawang apartment at dahil sa bigat ay nawalan umano ito ng balanse.

Upang hindi bumagsak ay kumapit umano ang biktima sa isang tubo na nakalawit sa apartment at doon ay bigla itong nangisay.

Nang makita ng kasamahang si Jeric Obrigon na nangingisay ang biktima sa pagkakuryente ay agad siyang humingi ng saklolo sa kanilang kasamahan, at agad isinugod ang biktima sa nasabing ospital subalit hindi rin naisalba ang buhay nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?