225

By

Binatilyo natagpuang patay sa condo playground

Sharing is caring!

Bali ang mga buto sa katawan at umaagos pa ang dugo sa ulo nang matagpuan ng mga awtoridad ang 16-anyos na binatilyo na nakahandusay sa playground matapos na mahulog umano sa One Castilla Place condominium sa Quezon City.

Kinilala ni PO1 Christian Loyola ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Jose Antonio Salvacion, 16-anyos, grade 11 student at residente ng Condo 3C-1 Gen. Castaneda St., Camp Crame, ng nasabing lungsod.

Batay sa pahayag sa pulisya ni Roland Obaldo, security guard ng nasabing condo, dakong alas-7:08 ng gabi (October 8), nag-aayos na umano ito dahil off-duty na nang makarinig siya ng malakas na kalabog mula sa playground.

Agad niyang tinungo ang playground upang alamin kung anong bagay ang nahulog subalit ang duguang katawan ng binatilyo na lasog-lasog na ang kamay at paa ang bumungad sa kanya kaya agad niyang ipinagbigay-alam ang insidente sa mga opisyal ng Barangay Valencia.

Mabilis namang rumesponde ang mga opisyal sa nasabing barangay sa pamumuno ni Jayson Lacson subalit nang isakay nila sa ambulansiya ang binatilyo at pulsuhan ay wala na itong buhay.

Hinala ng pulisya, posibleng nawalan ng balanse ang biktima at nahulog mula sa ikatlong palapag ng condo na kanilang inookupahan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?