58

Oct 1, 2017 @ 14:58

Binatang sumaklolo sa kaibigan, pinatay sa saksak

Labis ang hinagpis ng mga kaanak ni Cris Jaynard ‘Jeje’ Guzman, ang 18-anyos na binata na pinatay matapos saklolohan ang isang binubugbog na kaibigan sa Taguig City kamakailan.

Alas-9 ng umaga kahapon nang ihatid sa kanyang huling hantungan sa Heritage Park, sa nasabi rin lungsod, si Guzman.

Mula sa kanilang bahay sa Upper Bicutan ay idinadaan pa ang mga labi ni Guzman sa bahay ng pinaniniwalaang nakapatay sa kanya at maging sa lugar kung saan siya napatay.

Marami sa mga nakipaglibing ay nakasuot ng puting t-shirt na may nakamarkang, “Justice for Jeje.”

Hatinggabi ng Setyembre 16 nang saklolohan ni Guzman ang kaibigang si Patrick Ercillas nang binubugbog ito ng isang grupo ng mga nag-iinuman sa kanilang lugar dahil sa pagtanggi na tumagay ng alak.

Nang makalayo ang mag kaibigan ay pinutukan na sila at tinamaan sa ulo si Guzman.

Sa CCTV footage, makikita ang salarin na ilang beses na nagpaputok ng baril patungo sa direksyon nina Guzman at Ercillas.

Diumano, ang suspek ay anak ng isang dating empleado sa Taguig City Hall at sinasabi na maimpluwensiya sila sa kanilang lugar.

Hindi na nakikita ang pinaniniwalaang salarin sa lugar simula nang mangyari ang insidente.

Una na rin umapila ang pamilya ni Guzman kina Pangulong Rodrigo Duterte at PNP Chief Ronald dela Rosa na tulungan silang mabigyan ng hustisya ang biktima. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?