67

Oct 23, 2017 @ 15:11

Binatang nakatulog ng mahimbing, natusta

Dahil sa mahimbing na pagkakatulog, isang binata ang namatay makaraang makulong sa nasusunog na ikatlong palapag na gusali kamakalawa ng hapon sa Quezon City.

Ang nasawing biktima aya nakilalang si John Paul Uanan, 23, nakatira sa 2242 Steve St., Brgy. Commonwealth Ave., sa nasabing lungsod. Siya ay natagpuang lapnos na lapnos ang katawan at patay na sa hallway sa ikalawang palapag ng gusali malapit sa kuwarto na kanilang nirerentahan.

Nagtamo naman ng minor injury at bahagyang nasugatan ang ina ng biktima na si Joselyn Uanan, na mabilis namang nakalabas sa nasusunog na kuwartong nirerentahan na nasa ikalawang palapag ng gusali,

Dahil sa kalituhan at biglang nagliyab ang apoy ay hindi na umano nagawa pang mapuntahan ni Aling Joselyn ang kanyang anak na natutulog sa loob ng silid ng kanilang bahay.

Sa inisyal na imbestigasyon ni Fire Inspector Rosendo Cabillan ng Bureu of Fire Protection (BFP) sa Quezon City, dakong alas-4:31 ng hapon nang maganap ang sunog na nagsimula sa kusina ng pamilya Uanan.

Mahimbing umanong natutulog ang biktima nang mangyari ang sunog, at nagising lamang ng maramdaman ang init mula sa nasusunog nilang tahanan.

Posible umanong tinangka pa ng biktima na makalabas sa nasusunog na gusali subalit dahil sa makapal na ang usok ay hindi na ito nakahinga at namatay sa hallway ng gusali.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog at tumagal ng 20-minuto bago tuluyang naapula ang apoy.

Sa ngayon ay nagsasagawa pa ang masusing imbestigasyon ang mga kagawad ng BFP sa Quezon City para mabatid kung ano talaga ang pinagmulan ng apoy ay kung magkano ang halaga ng ari-arian ang natupok. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?