158

Jul 18, 2019 @ 16:22
By

Binata todas sa kuryente habang nangunguha ng gagamba

Patay na nang matagpuan ang isang 19-anyos na lalaki matapos umanong makuryente habang nangunguha ng panlabang gagamba sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay, Miyerkoles ng gabi.

Nakasabit ang kaliwang binti sa may kuryenteng bakod nang matagpuan ang bangkay ni Arjie Nalzaro Emotin, 19, binata, at residente ng Purok Masadlakon, Barangay Tomitom ng nabatid na bayan alas-sais ng gabi (July 17).

Sa ulat na ipinadala ng Police Regional Office 9, Hulyo 15 ng gabi nang magpaalam ang biktima sa kanyang tatay na mangunguha lang ito ng gagambang panlaban upang kanyang ibenta subalit hindi na ito nakabalik pa sa kanilang bahay.

Hanggang sa matagpuan ang bangkay nito noong Miyerkoles sa bakod ng isang nagngangalang Mr. Canoy na may kuryente malapit sa water pump sa maisan.

Base sa isinagawang post mortem examination sa bangkay ng biktima, kuryente ang ikinamaty nito nang suriin ni Dr. Adnilre Verzon ng Municipal Health Office ng bayan ng Ipil.

Teorya ng pulisya, posibleng nagawi sa lugar ang biktima habang nangunguha ng gagamba at aksidenteng nadikit ang kanyang binti sa kawad na may kuryente dahilan ng kanyang kamatayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?