85
binata1
May 9, 2018 @ 12:28
By

Binata niratrat ng bala sa QC, patay

Pinagbabaril at napatay ang isang matandang binata ng hindi pa nakikilalang gunman habang nakatayo ang una at tila may inaabangan sa Quezon City, nitong Martes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Gerry Duagro Manzano, 32-anyos, binata, walang trabaho at residente ng No. 157 Sitio Pajo, Brgy. Baesa, QC.

Naisugod pa si Manzano sa Quezon City General Hospital subalit binawian din ng buhay dakong alas-5:32 ng hapon sanhi ng tinamong maraming tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Julius Cesar Balbuena, ng CIDU-QCPD, dakong alas-4:50 ng hapon nangyari ang krimen sa harap ng No. Lot 7, Block 4, Sitio Mendez, Brgy. Baesa, ng nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ng nakasaksing nakilala lamang sa pangalang Dan, naglalakad umano siya sa nasabing lugar nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril at doon ay tumambad ang duguang katawan ng biktima.

Agad niyang ipinagbigay-alam ang nasabing krimen sa mga opisyal ng Barangay Baesa at nagreponde ang BPSO na si Rodolfo Salazar na siyang nagdala sa ospital sa biktima.

Masusi pang iniimbestigahan ng mga operatiba ng CIDU-QCPD ang motibo sa naganap na krimen habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng nag-iisang gunman.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?