436

Oct 20, 2017 @ 15:50

Binata, kulong sa pamba-blackmail

Naaresto ng pulisya sa isinagawa nilang entrapment operation ang isang 28-anyos na lalaking nagbantang ikakalat ang mga hubad na litrato at videos ng kanyang dating kasintahan sa social media kung hindi makikipagkita dito, sa lungsod ng Malabon kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng Malabon City Police Community Precinct VI, dumulog umano sa kanilang tanggapan ang biktimang si Camille Atienza, 25-anyos, dalaga, na dating kasintahan ng suspek na si Jaymar Gozon, binata, na residente ng D.C Bauza St., Barangay Bagumbayan South, ng nasabing lungsod.

Nagpadala umano sa kanya ang suspek ng personal message sa pamamagitan ng Facebook at nag-upload ng mga photos at videos na nakahubad ang biktima, kung saan pinagbantaan pa umano ng suspek ang dating nobya na ikakalat ang mga ito kung hindi makikipagkita sa kanya.

Kunwari namang pumayag ang biktima sa kagustuhan ng dating nobyo ngunit lingid sa kaalaman ng suspek ay humingi na ng saklolo sa pulisya ang dalaga.

Agad namang nagsagawa ng entrapment operation ang mga awtoridad at kasama ang biktima na kunwaring napapayag na makipagkita sa kanyang ex-boyfriend, nagtungo ang mga ito sa napag-usapang lugar.

Nakita ang suspek sa napag-usapang lugar sa isang fast food chain na matatagpuan sa kahabaan ng Rizal Avenue, Barangay Tanong, ng nasabi pa ring lungsod, dito na siya agad na dinakip ng pulisya.

Nakuha sa pangangalaga ni Gozon ang isang Samsung Duos cell phone na naglalaman ng mga hubad na mga larawan at videos ng biktima na kuha noong magkarelasyon pa sila.

Nasa kustodiya na rin ng Malabon City detention cell ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at grave coercion. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?