knife
By

Binata kinatay ng nakaalitan sa QC

Sharing is caring!

Tila may malaking atraso ang isang binata matapos na tadtarin ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng isang ‘di kilalang lalaki sa Quezon City, kaninang madaling-araw.

Kinilala ni P/Sr. Insp. Elmer Monsalve ng Criminal Investigation and Detection Unit CIDU ng Quezon City Police District, ang biktima na si Jomar Gaston Tugad, 27-anyos, binata, walang trabaho at residente ng Purok 20, Unit 5, Adama Ext., Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Si Tugad ay namatay noon din sanhi ng tinamong malalalim na saksak sa katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Rhic Roldan Pittong ng CIDU, naganap ang krimen dakong alas-4:20 ng madaling-araw nitong Mayo 23 sa harap ng No. 256 Sto. Rosario St., Brgy. Holy Spirit, QC.

Batay sa pahayag ni Ruben dela Torre, abala siya sa pag-aayos ng kaniyang tindahan nang makarinig siya ng boses ng lalaki na sumisigaw at humihingi ng saklolo, kaya lumabas siya ng bahay.

Doon ay nakita niya ang biktima na duguang nakabulagta habang papatakas ang suspek dala ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.

Agad na ini-report ni Dela Torre ang naganap na insidente sa kanilang barangay, na rumesponde at itinawag sa pulisya ang nangyaring krimen.

Hinala ng pulisya, malaki ang atraso ng biktima sa suspek na posibleng nakaalitan nito dahil sa grabeng tinamong mga saksak sa katawan, at sinigurong patay na ito bago iniwanan sa lugar.

Gayunman, masusing iniimbestigahan ng pulisya ang naganap na pamamaslang.

Inaalam din ng mga awtoridad kung may CCTV sa lugar para sa pagkikilanlan ng suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?