46

Jan 22, 2020 @ 20:34
By

Binarat ng Chevron: Lupa sa Batangas pinasasara ng DOF

Inirekomenda na ng Department of Finance (DOF) na isara na ang Batangas Land Co. Inc. (BLCI) para mabawi ng National Development Company (NDC) ang 120-ektaryang lupa na inuupahan ng Chevron Philippines Inc.

Naniniwala ang DOF na binarat ang pamahalaan sa usaping upa ng Chevron dahil 74 sentimos per square meter per month lamang ang bayad nito samantalang ang rentahan sa paligid ay nasa P17.90 per square meter a month.

Nagpasya ang NDC Board noong Disyembre 2019 na isara na ang Batangas Land Co. Inc., isang kompanya sa ilalim ng NDC na siyang may hawak ng kontrata ng upa ng Chevron, pagdating ng 2021.

Sabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, 1975 pa dapat ito ginawa ng pamahalaan ngunit pinaboran ng diktaduryang Marcos ang Chevron noon kaya’t patuloy itong pinakikinabangan ang lupa.

Ayon kay Dominguez, dehadong-dehado ang pamahalaan at ang mamamayang Pilipino sa kontrata ng Chevron.

Ang pamilyang Marcos ay isang masugid na supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang kontrata ng Chevron noong panahon ng mga Marcos ay para sa upa sa loob ng 25 years na natapos noong September 20, 2000.

Mayo 4, 2010 pumirma ng lease renewal agreement ang Chevron sa BLCI para sa panibagong 25 years na nag-umpisa ang bilangan noong Oktubre 1, 2000 at matatapos sa Setyembre 30, 2025.

Ang bagong kontrata na nais ipawalang-bisa ni Dominguez ay sa ilalim ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?