118

Dec 18, 2017 @ 13:35
By

Binagyong lugar sa Biliran, bibisitahin ni Duterte

Nakatakdang bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Lunes ang mga lugar na malubhang sinalanta ng bagyong Urduja sa Biliran.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nais ng Pangulo na personal na makita ang kondisyon ng mga mamamayan na naapektuhan ng bagyo pati na rin ang lawak ng idinulot na pinsala ng bagyo kasabay ang pagtiyak na nakatutok na ang mga pangunahing ahensiya para matulungan ang mga biktima ng kalamidad.

“Titingnan po ng Pangulo kung ano talaga ang pinakamatinding pangangailangan ng Biliran at para iparating na ang gobyerno ay karamay nila sa kanilang karanasan ngayon,” ani Roque.

Nauna nang bumiyahe ang kalihim sa Biliran kaninang umaga kasama sina Department of Transportation Secretary Arturo Tugade at Health Secretary Francisco Duque kaninang umaga.

Sinabi ni Roque na matinding pinsala ang inabot ng mga taga-Biliran dahil bukod sa landslide at mga matinding pagbaha ay may mga nagbuwis ng buhay.

Batay sa record, nasa 20 na ang naiulat na nasawi at mga nawawala.

Sa deskripsiyon ng PAGASA, parang dalawang buwan na ulan ang bumuhos sa loob lamang ng isang araw kaya matindi ang idinulot na pinsala sa lalawigan.

“Ayon po sa PAGASA eh parang dalawang buwang ulan ang bumuhos ng isang araw sa lugar ng Biliran at Samar area kaya po medyo talagang matindi po iyong danyos na nangyari sa mga lugar na ito,” ang pahayag ni Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?