38

Apr 14, 2021 @ 14:14
By

Bilyong savings sa pandemya ipang-ayuda

Hiniling ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na itulong sa mga lubhang naapektuhan ng pandemya ang bilyun-bilyong pondo na natipid ng gobyerno ngayong limitado pa ang paggalaw sa bansa.

Ayon kay Defensor maraming pondo sa biyahe, office supplies, representation at entertainment expenses sa ilalim ng 2021 national budget ang hindi magagamit dahil nananatili ang pandemya.

Mayroong umanong P17.8 bilyong pondo na nakalaan para sa biyahe at dahil sa travel restriction ay konti lang ang magagamit dito.

“Thus, we can divert the bulk of the P17.8 billion allocated in the budget for travel to ayuda, save for a small fraction for President Duterte’s trips and those of foreign affairs officials,” ani Defensor.

Dahil sa bahay din umano nagtatrabaho ang karamihan sa mga empleyado ng gobyerno, makatitipid din umano ang mga ahensya sa tubig, kuryente, office supplies at iba pang kahalintulad na ginagastusan.

Ngayong taon ay P158 bilyon ang nakalaan para sa supplies and materials, P18.3 bilyon sa utilities at P10.6 billion sa communication expenses.

Pwede rin umanong tapyasan ang P26.5 bilyong inilaan para sa pagkuha ng mga consultants.

“Clearly, there are a lot of items in the national budget we can cut or allocate entirely for the needed financial aid. They are for expenses we can and should avoid at this time of pandemic so we can continue helping the struggling sectors,” dagdag pa ni Defensor.

Sinabi ni Defensor na tama ang desisyon ng economic managers ng Malacañang na maghanap muna ng pondo bago magpasa ng bagong Bayanihan ang Kongreso upang matiyak na maipatutupad ito at hindi magpapa-asa lamang ng tao.

Sina Defensor, dating Speaker Alan Peter Cayetano at ilan pang mambabatas ay nagsusulong na magbigay ang gobyerno ng hindi bababa sa P10,000 ayuda bawat pamilya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?