73

Oct 29, 2017 @ 16:10

Bill ni Kiko sa autopsy at crematorium records, natabunan

Mistulang natabunan sa hukay ang mga panukalang batas ni Senador Kiko Pangilinan ukol sa mandatory autopsy ng mga biktima ng krimen at ukol sa maayos na pag-iingat ng crematorium records.

Inihain ni Pangilinan ang mga panukalang batas bunsod ng pagdami ng napatay sa drug war dahil diumano ay “nanlaban.”

Batay sa monitoring ng Legislative Bills and Index Service ng Senado, Enero 24, 2017 inihain ni Pangilinan ang Senate Bill no. 1307 kung saan layong ipag-utos ang otopsiya sa lahat ng mga napatay sa krimen o kahina-hinala at misteryoso ang pagkasawi.

Tinawag ito sa Unang Pagbasa sa plenaryo ng Senado kinabukasan at iniatas sa Senate committee on justice and human rights para dinggin subalit walang naging aksyon ang kumite mula noon.

Si Senador Richard Gordon ang chairman ng committee on justice and human rights.

Sa paghahain ng panukala, sinabi ni Pangilinan na kritikal ang otopsiya sa pagdetermina ng tunay na dahilan ng pagkamatay at lalo na sa pagresolba ng krimen kung dito namatay o napatay ang isang tao.

Samantala, noong Pebrero 1 inihain ni Pangilinan ang Senate Bill no. 1312 kung saan inuutusan ang mga funeral parlor at crematorium na kumalap at mag-ingat ng biological specimen ng bangkay bago sunugin para magamit sa DNA sampling.

Ipinakukuha rin ang fingerprint o thumbprint, dental imprint at litrato ng bangkay kapag ito ay napatay o pinatay sa krimen, kahina-hinala ang pagkasawi at kapag namatay sa kulungan o kapag nasa kustodiya ng mga pulis.

Ipinasa ang panukalang batas noong Pebrero 6 sa Senate committee on health and demography na pinamumunuan ni Senator JV Ejercito na hindi pa nagpapatawag ng pagdinig. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?