187

Oct 23, 2017 @ 18:01

Bill deposit ng Meralco, kinondena

Pinakikilos ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang Energy Regulatory Commission (ERC) para patigilin ang Meralco sa pagpapataw ng bill deposit.

Ayon kay Zarate, kalokohan at mapang-abuso ang bayaring ito na layon lamang gatasan ang consumers.

Katuwiran ng kongresista, hindi na kailangan ang bill deposit sa kuryente dahil awtomatiko namang pinuputol ang linya ng kuryente kapag hindi nakakabayad ang consumers.

Dagdag pa nito, ang ibang public utility gaya ng tubig, telepono at cable service ay wala namang sinisingil na bill deposit.

“Sa pagkakaalam ko mga apartment at bote lang ng softdrinks ang may ganitong sistema ng deposit. Wala ito sa ibang basic utilities. We do not have such bill deposits for water services, phone services or even cable TV services but why is it that we have it for Meralco?” tanong ni Zarate.

“It is not as if Meralco puts up a new post and add new cables when we want electricity in our homes. In fact they slap a meter charge plus connection fees,” dagdag pa ng kongresista.

Sinita rin ng mambabatas ang Meralco sa paniningil ng reconnection fee bago maibalik ang power supply kapag naputulan ng kuryente ang isang bahay.

“Furthermore when we fail to pay even for a month they immediately cut the service and then collect a reconnection fee if we want the electricity back. Kahit saan ko tignan, eh, walang rason ang pagsingil ng bill deposit,” sabi pa ni Zarate. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?