132

Jul 5, 2019 @ 18:09
By

Bilibid inmate tulak ng droga: P6.8M shabu nasamsam sa SM Molino

Aabot sa P6.8 milyon halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang miyembro ng sindikato sa isinagawang buy-bust sa isang mall sa Bacoor City, nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat kay PDEA Director General Aaron N. Aquino, ang P6.8 milyon ay nasabat sa dalawang lalaki sa ikalawang palapag ng parking lot sa SM Molino sa Bacoor City, Cavite.

Kinilala ang mga suspek na sina Ato Labing Kasim at Jubaire Mohammad Kitab na ayon kay PDEA Special Enforcement Service Director Levi Ortiz, kung saan mga ‘high end’ na sasakyan ang gamit ng mga ito sa kanilang iligal na aktibidades.

Lumitaw sa imbestigasyon, ang modus umano ng mga suspek ay gagamit muna ng Ford Everest kapag makikipagkita sa poseur buyer at pag nakuha na ang pera ay saka magpapalit ng sasakyan bago ibigay ang droga.

Ibinunyag ni Ortiz na isang Chinese na sindikatong nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) ang ‘source’ umani ng droga. Isa umano sa mga tao nito ang isang dating alkalde ng Talitay, Maguindanao.

Itinanggi naman ng mga suspek na sangkot sila sa droga at sinabing napag-utusan lang sila ng isang alyas Butch, gayunman inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 5 in relation to Section 26 paragraph B ng Article 11 of RA 9165 laban sa mga nadakip.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?