11

Feb 28, 2021 @ 15:24
By

Bilang ng OFW mababawasan sa Cha-cha

Mababawasan umano ang mga Pinoy na nangingibang bansa kung darami ang mapapasukang trabaho sa bansa at mangyayari lamang ito kapag naamyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon.

Ayon kay Deputy Minority Leader at Marikina Rep. Stella Luz Quimbo ang 2.2 milyong overseas Filipino workers ay patunay na kulang ang namumuhunang negosyante sa bansa.

“Dahil kulang ang kapital sa ating bansa, kulang din ang trabaho para sa ating kababayan,” ani Quimbo isa sa mga sponsor ng Resolution of Both Houses no. 2 na nakasalang sa ikalawang pagbasa sa Kamara de Representantes.

Ayon kay Quimbo mas konti ang mga dayuhang mamumuhunan na pumupunta sa Pilipinas kumpara sa ating mga karatig bansa sa Asya dahil sa limitasyon na itinakda ng 1987 Constitution.

Ipinagbabawal ng Konstitusyon na magmay-ari ng mga kompanya sa partikular na sektor ang mga dayuhan at ito ang nais na baguhin sa panukalang amyenda.

Sinabi ni Quimbo na mas gustong pumunta ng mga dayuhang mamumuhunan sa ating mga kapitbahay na bansa dahil hinahayaan sila na magnegosyo roon.

“If we don’t address this, many more Filipinos will have to leave their families, and look for jobs abroad,” dagdag pa ng lady solon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?