14

Feb 28, 2021 @ 15:09
By

Biktima ng karahasan sa mga batang ina, nakakaalarma – Gatchalian

Dumarami ang batang inang biktima ng karahasan, pang-aabuso o rape sa gitna ng naitalang pag-akyat ng bilang ng teenage pregnancy sa bansa batay sa report ng Commission on Population and Development (POPCOM), ayon kay Senador Win Gatchalian.

At sa pagsisimula ng National Women’s Month na ipinagdiriwang tuwing Marso, bingiyang-diin ni Gatchalian na na hudyat ito na dapat nang itaas ang “age of sexual consent” upang matugis ang mga mapang-abusong nasa likod ng mga maagang kaso ng pagbubuntis.

Ayon kay POPCOM Executive Director Juan Antonio Perez III, dalawa sa tatlong mga nakakabuntis sa mga teenagers ay mas matanda ng halos dalawampung (20) taon kaya mayroong nangyayaring powerplay kung tutuusin.

Bagama’t mahalaga aniya ang na manatili ang mga batang babae sa mga paaralan kung saan maaari silang makatanggap ng sapat na impormasyon at sexuality education, sinabi ni Gatchalian na importante rin ang pagtugis at pagpapanagot sa mga nakatatandang nakakabuntis sa mga kabataan.

Lusot na sa committee level ng Senado ang panukalang itaas ang age of consent sa edad na labing-anim (16) mula sa kasalukuyang edad na labing-dalawa (12).

Pero nauna nang ipinanukala ni Gatchalian ang pagtaas sa age of sexual consent sa edad na labing-walo (18). Ang kasalukuyang age of consent na 12 taong gulang sa Pilipinas ay ang pinakamababa sa Asya at ang pangalawang pinakamababa sa mundo.

“Sa ating bansa, itinuturing nating age of majority ang edad na 18 ngunit ang age of sexual consent ay edad na 12. Dapat lang na amyendahan na ang batas upang maprotektahan natin ang mga kabataan at panagutin ang mga nang-aabuso sa kanila,” sabi ni Gatchalian.

Nauna nang nagbabala ang seandor na ang pandemya ay maaaring maging sanhi ng paglala ng mga kaso ng karahasan, pang-aabuso, at maagang pagbubuntis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?