122
‘Bikoy’ sa mental hospital dapat nagpunta, hindi sa IBP - Bong Go
By

‘Bikoy’ sa mental hospital dapat nagpunta, hindi sa IBP – Bong Go

Dapat sa mental hospital muna nagpunta si alyas Bikoy bago nagtungo sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) para magpasaklolo at magladlad ng kaniyang pagkatao.

Ito ang reaksiyon ni dating Special Assistant to the President at senatorial candidate Bong Go matapos magpakilala sa publiko si Bikoy na si Peter Joemel Advincula.

Sinabi ni Go na hindi napatunayan ni Bikoy ang bintang nito na may dragon tattoo ito sa likod dahil ang nakita ng publiko nang maghubad ito ay pimples, stretchmark, nunal, balat at bilbil.

“Nagkamali si Bikoy sa kanyang pinuntahan. Hindi siya dapat pumunta sa IBP. Sa tingin ko dapat magpa-admit muna ito sa mental hospital. Dapat mauna muna siyang magpunta doon,” ani Go.

Idinawit ni Bikoy si Go sa kanyang expose sa serye ng narco videos nito kung saan inakusahan ito na tumatanggap din ng pera umano sa drug syndicates at ang salapi ay idinedeposito sa account ng kaniyang mga kamag-anak.

Sinabi ng dating kalihim na nasagot na niya noon ang akusasyon sa kainya at handa niya itong patunayan ulit dahil tila gusto rin aniya ni Bikoy na makita ang kanyang bilbil.

Nagbigay ng mensahe si Go kay Bikoy na magpapatuloy ang kampanya ng Duterte administration laban sa iligal na droga, korapsiyon at kriminalidad gaya aniya ng naipangako nila ni Pangulong Rodrigo Duterte at masagasaan ang sinumang dapat na masagasaan.

“Bikoy, gaya ng ipinangako namin ni Pangulong Duterte, ipagpapatuloy namin ang kampanya laban sa iligal na droga, korapsiyon at kriminalidad. Tuloy-tuloy ang kampanya at masagasaan ang sinumang dapat na masagasaan. Iyan ang pangako namin sa mga Pilipino,” dagdag pa ni Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?