23
risa-hontiveros-kolumn
By

Bigyang-pansin ang pagtaas ng HIV cases sa bansa

Sharing is caring!

Hindi maikakaila na isa sa malaking suliraning pangkalusugan sa ating bansa ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga taong may human immunodeficiency virus (HIV). Nakakabahala sapagkat ayon sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), mahigit 3-libong porsyento ang tinaas ng HIV cases sa Pilipinas sa loob lamang ng 10 taon.

Mula 342 na kaso ng HIV noong 2007, umakyat ito sa mahigit labing-isang libong kaso noong nakaraang taon. Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO), hindi ito magandang pangitain sapagkat pababa na ang mga kaso ng HIV sa ibang bansa. Sa ating bayan, patuloy pa rin itong tumataas.

Bukod dito, nitong nakaraang buwan ay nagbabala ang mga siyentipiko natin mula sa National Institutes of Health ng University of the Philippines. Sinasabi nila na may mga HIV patients sa ating bansa na hindi tinatablan ng regular na gamot kontra sa virus na ito sapagkat meron na ngayong mas matinding klase ng HIV virus na drug resistant na tinatawag na HIV AE subtype.

Patuloy na nagsasaliksik ang ating mga siyentipiko upang pag-aralan ito at malaman kung paano malalaban ang virus na ito, at kung paano mas makakatulong sila sa pamahalaan upang mapababa ang mga kaso ng HIV.

Hindi pa ako senador ay adbokasiya ko na ang magpalaganap ng awareness sa isyu ng HIV. Kaya nga taun-taon ay ginagawa ko ang pagpapa HIV test at isinasapubliko ko ang testing para lumawak ang kaalaman ng mga kababayan natin tungkol dito. Marami kasi tayong mga hinala tungkol sa buhay ng mga taong may HIV na maari namang hindi totoo.

Patuloy nating ipinaglalaban ang karapatan ng mga may HIV sa pamamagitan ng aking panukalang Philippine HIV-AIDS Policy Bill (Senate Bill No. 376 na tapos na sa period of ammendment sa Senado) na nagtutulak sa isang evidence-based, human rights-based na pagtugon sa isyu ng HIV-AIDS.

Kailangan natin ang batas na ito lalo na ngayon na 33 porsyento lamang sa mga HIV positive nating kababayan ang naka-enroll sa treatment programs ng pamahalaan dahil sa pagkatakot ng karamihan sa diskriminasyon. At ang masakit, sa 42,283 na may HIV sa bansa, 11,550 dito ay mula sa mga kabataang edad 15-24 gulang.

Kadalasan, ang panglalait at ang diskriminasyon ang posibleng rason kung bakit ayaw magpa-test ng iba at ayaw humingi ng mga libreng tulong mula sa gobyerno o sa mga non-government organizations (NGOs). Hindi na biro ang paglobo ng kaso ng may mga HIV. Kailangan nila ang ating suporta at pang-unawa. Lahat tayo ay may karapatang mamuhay ng panatag at payapa.

Nakikiusap rin ako sa mga kababayan nating at-risk sa HIV infection na magpa-test na. Meron po tayong mga government treatment centers at mga NGOs na aalalay po sa inyo. Kayo po ay pagsisilbihin nila ng buong puso at walang diskriminasyon.

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?