125

Jul 3, 2018 @ 12:16
By

Big-time supplier ng droga nalambat sa Pasig

Mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa naarestong big-time tulak ng droga na matagal nang nagtatago at sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig ito nalambat kaninang madaling-araw.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director SSupt. Bernabe Balba, kinilala ang suspek na si Haimen Rangaig y Pontino, residente ng San Agustin St., Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Ginagamit umano ang suspek ang alyas na Juharey Mauyab para hindi matunton agad ng mga awtoridad ang mga iligal niyang aktibidad dahil kilala na itong big-time supplier ng droga.

Naaresto ang suspek bandang alas-2:10 ng madaling-araw sa buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Units, National Capital Region Police Office, Station Drug Enforcement Units ng Pasig Police at Philippine Drug Enforcement Agency.

Nakumpiska mula sa suspek ang pitong sachet ng shabu na nasa timbang na 200 gramo at nagkakahalaga ng P1,360,000.

Batay sa report, ikinanta si Rangaig ng kanyang pinagbabagsakan ng droga na una nang nahuli noong Hunyo 11 sa buy-bust din na sina Janneth Libon at Pablito Domingo na nakuhanan ng mahigit 100 gramo ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P680,000.

Nabatid na si Rangaig ay kilalang tulak ng Juharey Buratong Group na kilalang sindikato ng droga na nag-o-operate sa Pasig City at Maynila.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Rangaig. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?