52

‘Big Four’ nagtala ng 100 pts sa pagdiskaril ng Warriors sa Mavs

Pumukol ng malayong 3-pointer si Stephen Curry, may tatlong segundo na lang ang natitira, para ihatid ang Golden State Warriors sa 125-122 panalo laban sa Dallas Mavericks nitong Miyerkules (Huwebes, Manila time).

Tumapos ng 32 si Curry na sumahog sa 100 points ng ‘Big Four’ ng Warriors para pasukuin ang Mavericks, na apat na sunod nang nagwawagi.

Kasamang nagdagdag sa ‘Big Four’ sina Kevin Durant at Klay Thompson na may tig-25, at si Draymond Green na kumampay ng 18 na may kasama pang 10 rebounds.

Nagsilbing lider naman sa Mavs si Wesley Matthews na nagsalansan ng 22 points, kabilang na ang pitong 3-pointer.

Laging naiiwan sa iskoring ang Dallas ngunit nabura ang 12 kalamangan ng Warriors sa 4:32 at naitabla pa sa 120 sa jumper ni Harrison Barnes, may 39.9 segundo na lang.

Nagpalitan ng baskets sina Thompson at Barnes bago nakuhang muli ng Golden State ang bola, 12 segundo na lang sa laro.

Kinuha ni Curry ang inbounds pass at nag-dribble para maipagpag ang dumedepensa sa kanya, at nagpakawala ng tres na siyang kumitil sa winning streak ng Dallas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?