77

‘Bicol Express’ muling bubuhayin

Inaprubahan na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang proyekto para sa pagsasaayos at upgrading ng Philippine National Railways (PNR).

Ito’y magbibigay-daan para sa pagpapanumbalik ng tinaguriang “Bicol Express” na may P10.2 bilyong inisyal na pondo na gagamitin para sa proyekto.

Nabatid mula sa ilang mambabatas sa mababang kapulungan partikular sa House Committee on Transportation, na tutulong sila para sa pagpapadali ng implementasyon ng naturang proyekto.

Isa umanong world class train system ang kanilang ipapalit sa PNR system, kahalintulad ng nasa mga bansang Estados Unidos at Canada.

Samantala, nanguna sa pagpapaliwanag ng nasabing proyekto si Vice President Leni Robredo at mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr).

Matatandaang una nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa loob ng kanyang termino ay bubuhayin ang mga tren ng PNR kasama na rin ang planong pagpapatayo ng hiwalay na train system sa Mindanao. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?