822

Jul 30, 2021 @ 17:55
By

Bicol airport bubuksan na: Salceda natuwa kina Duterte, Tugade

Nagpasalamat si Albay Rep. Joey Salceda kina Pangulong Rodrigo Duterte at Transportation Secretary Arthur Tugade dahil tinupad ng mga ito ang pangarap ng mga Bikolano na magawa ang Bicol International Airport (BIA).

Sinabi ni Tugade kay Salceda na sa Oktubre 7 ay maaari nang lumapag ang mga eroplano sa BIA kapag araw.

Sa Nobyembre 4 ay maaari na rin ang mga night flight at sa Mayo 2022 ay puwede nang lumapag ang mga international flight.

“The opening of the BIA will serve as the biggest economic stimulus in our region as it will accommodate 3,000 passengers per day instead of merely 600 under the domestic Legazpi Airport,” sabi ni Salceda.

Ang kapasidad din ng bagong paliparan ay 2 milyon kada taon o mas marami ng 54% sa mga dayuhang turista na dumarating sa Albay.

Malaki umano ang maitutulong ng BIA sa pag-angat ng turismo sa Albay.

Ngayong Biyernes ay nasubukan na ang runway ng paliparan nang lumapag doon si Tugade sakay ng Gulfstream 150 mula sa Maynila.

Nagkakahalaga ng P4.798 bilyon ang konstruksyon ng paliparan na isa sa proyekto sa ilalim ng “Build Build, Build” program ng administrasyong Duterte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?