48

Jul 9, 2018 @ 12:23
By

Bicam meeting ukol sa BBL, umarangkada na

Binuksan na ang pagpupulong ng bicameral conference committee ukol sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Layon ditong pag-isahin ang magkahiwalay na bersiyon ng BBL mula sa Senado at Kamara.

Sa bungad nito, sinabi ni Senador Juan Miguel Zubiri, pinuno ng Senate contingent, na higit pa sa makasaysayan ang pagtalakay sa BBL kung saan ang layunin ay ang pangmatagalan at may dignidad na kapayapaan para sa Bangsamoro o Muslim Mindanao at sa buong bansa,

Nasa kanilang balikat umano ngayon ang malaking tungkulin na siguraduhin na ang BBL ay naaayon sa 1987 Konstitusyon at katanggap-tanggap para sa mga mamamayan ng Bangsamoro.

Hangad din umano sa BBL na maresolba ang mataas na antas ng kahirapan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Tugon naman ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas, pinuno ng contingent ng Kamara, sang-ayon sila sa sinabi ni Zubiri na kailangang iayon ang BBL sa Konstitusyon kaya kailangan nilang magtulungan.

Inihayag din nito ang puntirya na maparatipikahan ang BBL sa magkahiwalay na sesyon ng Senado at Kamara sa pagbalik nila para sa ikatlong regular na sesyon nitong 17th Congress sa Hulyo 23 ng umaga.

Ito ay para agad nang mapapirmahan kay Pangulong Duterte sa araw ding iyon at maisama sa ikatlong State of the Nation Address ng Pangulo.

Kasama ni Zubiri na dumadalo sa bicam meeting sina Senador Sonny Angara, Joel Villanueva, Chiz Escudero, Franklin Drilon, Kiko Pangilinan, habang sumaglit si Senate President Tito Sotto III.

Pinangungunahan naman ni Fariñas ang halos 20 kongresista.

Observers sa closed-door meeting ang limang kasapi ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) na bumalangkas ng BBL.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?