82

Oct 25, 2017 @ 16:58

Biado, ungos sa US Open 9-Ball

Nag-iisa na lang na may imakuladang marka sa siyam na Philippine bets si reigning Poland 10th World Games 2017 champion Carlo Biado sa 42nd US Open 9-Ball Men’s Championship 2017 noong Martes (kahapong oras sa Maynila) sa Sheraton Norfolk Waterside Hotel sa Virginia.

Ungos ang dating golf caddie kay Polish Radoslaw Babica 11-3, para manatiling mag-isa na lang sa winners’ side ng torneo na may 139 players ang kalahok mula sa 26 na mga bansa.

Makaraang magsipanalo sa opener, isa-isang nagsirkuhan sa second round upang lumagak na sa losers bracket ng double-elims event na mga Pinoy ring sina ex-world champ Dennis Orcollo, Warren Kiamco, Ronato Alcano, Jeffrey de Luna at James Aranas.

Sininghalan si Orcollo ni Mario He ng Austria 5-11, yuko si Kiamco kay Alex Pagulayan ng Canada 9-11, habang pare-parehong 7-11 ang mga pagkabigo nina dating world champ Alcano kay Klenti Kasi ng Albania, Jeffrey de Luna kay Ko Ping Chung ng Taiwan, at James Aranas kay Billy Thorpe ng Estados Unidos.

Kahit maagang lumagpak sa losers side, humihinga pa sina Johann Chua, Lee Van Corteza at Nilbert Lim. Plakda kay Chua si Khaled Al Otaibi ng Saudi Arabia 11-6, lumuha kay Corteza si Sayeem Hossain ng Bangladesh 11-10, at kumulimlim kay Lim ang mundo ng Amerikanong si Rob Hart, 10-8. (Ramil Cruz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?