103

Dec 15, 2017 @ 9:54

Biado, kampeon ng World Men’s 9-Ball!

Naihanay ni Carlo Biado ang sarili sa mga tinaguring ‘greats’ ng Pinoy billiards matapos makopo ang 2017 World Men’s 9-Ball Championship sa 13-5 victory laban sa kapwa Pinoy na si Roland Garcia nitong Huwebes sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.

Kasama na siya sa elite list ng Filipino winners na pinangungunahan ni legendary Efren ‘Bata’ Reyes (1999), Ronato Alcano (2006) at Fil-Canadian Alex Pagulayan (2004).

Siya rin ang kauna-unahang Filipino na nakasikwat ng men’s title mula pa noon kay Francisco ‘Django’ Bustamante taong 2010.

Winalis niya ang 128 bilyarista mula sa 40 iba’t ibang bansa na asam ang kampeonato.

Nakausad na ng 7-0 ang 34-anyos na si Biado na taga-La Union nang magising ang 36-anyos na taga-Pampanga na si Garcia na nakabase na sa Thailand, 11-5, ngunit masyadong malaki ang lamang ng una kaya hindi na nagawang makahabol pa.

Dahil sa panalo ay naibulsa ni Biado ang premyong US$30,000 habang may naiuwing US$15,000 si Garcia.

Nagawang makaahon mula sa semifinals ni Biado matapos kalusin si Wu Kun-lin ng Chinese Taipei, 11-6, habang nanaig si Garcia kay Klenti Kaci ng Albania, 11-6, upang maikasa ang all-Filipino final.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?