92

Dec 11, 2017 @ 18:04
By

Biado, 2 pang Pinoy pasok sa Last 64 ng World Men’s 9-Ball

Sinargo nina Carlo Biado, Jeffrey Ignacio at Jeffrey de Luna ang pangalawang deretsong ragasa sa group play upang pumailanlang sa Round-of-64 ng 27th World Men’s 9-Ball Championship sa Al Arabi Sports Complex sa Doha, Qatar Linggo ng gabi.

Binambo ng kasalukuyang hari sa Wroclaw 10th World Games 2017 na si Biado ang Aprikanong si Richard Halliday, 9-4, tinumbok ang limang dikit na racks buhat sa pangwalong frames sa pag-igkas mula sa pagkakabuhol nila at sunggaban ang inaasahang silya niya sa susunod na yugto.

Magkaparehong humarurot din mula sa tablahan sa kanilang mga karibal sina Ignacio at De Luna upang makaselyo na rin ng upuan sa Last 64 ng isang linggong torneong may nakatayang tumataginting na US$.2-milyon.

Binambo ni Ignacio si si Dang Jinhu ng China sa pagkalas sa ika-13 yugto tungo sa 9-6 desisyon samantalang humiwalay buhat sa pangwalong bahagi si De Luna tungo sa pagtumba kay Qatari Muzammil Hussain, 9-3.

Gayunman nangabigo ang apat na iba pang Pinoy sa kanilang mga pangalawang salang.

Plakda si Francisco Felicilda kay reigning world No. 1 Chnang Jung Lin ng Chinese Taipei, 8-9; dapa si Johann Chua kay Jalal Al Sarisi ng Venezuela, 8-9, para malagak sa maselang kalagayan sa double-elimination group format.

Bulilyaso si Warren Kiamco sa Rusong si Konstantin Stepanov, 7-9; at gulong si Roland Garcia kay Maximillian Lechner ng Austria, 5-9.

Bumangon naman mula sa unang talo niya si Israel Rota sa 9-1 dismantel kay South African Jeremiah Naidoo sa losers’ side para manatili sa kontensyon sa KO phase. (Ramil Cruz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?