71

Nov 8, 2017 @ 16:23
By

BI ready na sa pagdating ng ASEAN Summit delegates

Nagpakalat na ng karagdagang 50 kawani ang Bureau of Immigration (BI) sa mga international airport para tumulong sa paghahanda sa pagdating sa bansa ng mga delegado para sa 31st Association of Southeast Nation (ASEAN) Summit.

Kaugnay nito, tiniyak ni BI Commissioner Jaime Morente na handa na ang buong pwersa ng kawanihan na gampanan ang trabaho nito sa pagdating at pagbiyahe paalis ng bansa ng libu-libong dayuhang delegado na daragsa sa mga paliparan para dumalo sa international conference.

“It is very imperative that we have more than enough personnel manning our airports during one of the most important and momentous international gatherings in our nation’s history,” giit ni Morente.

Paliwanag naman ni BI Chief Personnel Officer at Acting Spokesman Grifton Medina, karamihan sa mga immigration officer na muling na-deploy bilang karagdagang pwersa sa mga paliparan ay galing sa iba’t ibang mga BI field office at seaport sa buong bansa at sa punong tanggapan ng BI sa Intramuros, Maynila.

Idinagdag naman ni BI Port Operations Division Chief Marc Red Mariñas na bumuo na sila ng mga special team ng mga immigration officer para magproseso sa pagdating ng mga delegado ng ASEAN at iba pang dayuhang bisita na darating sakay ng chartered o special flight.

Pinakilos na rin umano nila si BI Airport Operations Section Chief Cecille Jonathan Orozco para tiyakin ang attendance ng mga immigration officer sa mga international airport sa susunod na linggo para masiguro na may sapat na mangangasiwa sa mga immigration counter.

Inaasahang 21 world leader ang dadalo sa gaganaping ASEAN Summit at mga kunektadong kumperansya na idaraos sa Pilipinas sa susunod na linggo. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?