45
Bureau of Immigration
Oct 19, 2017 @ 16:38

BI, naka-heightened alert na sa ASEAN Summit

Inilagay na sa heightened alert ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang mga kawani sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang port of entry sa bansa dahil sa nalalapit na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit sa Nobyembre.

May mga inilatag na mga pagpupulong para paghandaan ang nasabing pagtitipon at sa katunayan, may mga preparatory meeting na ginaganap na sa iba’t ibang panig ng bansa para sa ASEAN Leaders’ Summit.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, inatasan niya si BI Port Operations Division Chief Marc Red Marinas na magtaas ng alerto para mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhang terorista na maaaring maghasik ng gulo sa idadaos na international event.

Sinabi pa ni Morente na nakikipag-ugnayan na ang BI sa iba pang mga law enforcement at intelligence agency ng gobyerno, pati na sa kanilang counterpart sa ibang bansa para tiyaking magiging mapayapa ang ASEAN Summit.

“It is imperative that our men at the ports exercise extra vigilance in monitoring and screening all arriving foreign passengers so that those intending to disrupt the summit are not able to sneak into our country,” paliwanag ni Morente.

Bukod sa mga pinuno ng gobyerno ng 10 bansang kasapi ng ASEAN, dadalo rin sa pagpupulong ang mga head of state ng Estados Unidos, Japan at China.

Bilang pagtalima, nagpalabas naman si Marinas ng memorandum na nag-aatas sa mga immigration officer na maging mahigpit sa pagproseso ng mga pasaherong dumarating at papaalis sa bansa, kabilang na ang mga bibiyahe sa special at chartered flights.

​Pinatitiyak din ni Marinas sa BI border control and intelligence unit na lahat ng mga pasahero ay daraan sa inspeksyon ng BI.

Ang mga kahina-hinalang pasahero ay kinakailangan namang isailalim sa ikalawang inspeksyon ng BI travel control and enforcement unit. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?