49

Oct 28, 2017 @ 14:48

BI, naka-heightened alert na para sa Undas, ASEAN Summit

Inilagay na ng Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng mga kawani nito sa heightened alert bilang paghahanda sa panahon ng Undas at sa pagdating ng mga delegado ng 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Ang kautusan ay ibinaba ni BI Commissioner Jaime Morente para mapigilan ang alinmang pagtatangka ng mga terorista at mga illegal alien na makapasok sa bansa.

Kaugnay nito, sinabi ni BI acting spokesperson Grifton Medina na lahat ng mga immigration officer sa lahat ng mga international airport at seaport sa bansa ay inaabisuhan na doblehin ang paghihigpit at pagmamatiyag sa mga bibiyahe.

“Our officers were told to refer for secondary inspection foreigners who have doubtful purposes in entering the country and those who have questionable travel documents,” saad ni Medina.

Dagdag pa ni Medina, maging ang mga papaalis na Pilipinong turista ay mahigpit ding sasalain para matiyak na sila ay hindi mabibiktima ng human trafficking at illegal recruitment.

Hindi rin umano papayagan ang mga kawani ng BI na nakatalaga sa mga pantalan at paliparan na mag-leave sa trabaho umpisa sa Oktubre 29 maliban na lamang kung may karapat-dapat na dahilan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?