72

Oct 4, 2017 @ 15:04

BI: GF ng mass shooting sa Las Vegas, balik US

Mahigit isang linggo matapos dumating sa Pilipinas, bumiyahe na kagabi pabalik ng Estados Unidos ang Pilipina na sinasabing girlfriend ng lalaking suspek sa malagim na mass shooting sa Las Vegas, Nevada kung saan 59 ang namatay.

Kinumpirma ni Bureau of Immigration (BI) Spokesperson Atty. Maria Antonette Mangrobang na si Marilou Danley ay nakaalis na kagabi patungo ng Los Angeles, California sakay ng Philippine Airlines Flight PR102.

Si Danley ay dumating sa Pilipinas noong Septmber 25, 2017 mula sa Hong Kong sakay ng Cebu Pacific Flight 5J115.

Naipalam na umano ng BI ang travel record ni Danley sa United States Department of Homeland Security at sa Federal Bureau of Investigation.

Una nang pinangalanan ng mga otoridad sa Amerika si Danley bilang “person of interest” sa mass shooting, pero kalaunan, ito ay binawi ng Las Vegas Police dahil wala naman siya sa Amerika nang maganap ang pamamaril.

Si Danley ay girlfriend umano ni Steve Paddock, isang retired accountant, na nagpatiwakal matapos mamamaril mula sa ika-32 palapag ng Mandalay Bay Resort na malapit lamang sa pinagdarausan ng Route 91 Harvest Festival na dinagsa ng 30 libong katao. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?