34
views
giacomo
By

BI, dumepensa sa pagpapa-deport sa European politician

Sharing is caring!

Nagpaliwanag na ang Bureau of Immigration (BI) kung bakit hindi nito pinayagang makatuntong muli sa Pilipinas ang Italyanong European politician na si Giacomo Filibeck.

Si Filibeck, deputy secretary general ng Party of European Socialists (PES), ay dati nang tumuligsa sa madugong kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga nang siya ay unang magtungo sa Pilipinas noong Oktubre 2017 bilang bahagi ng international human rights fact-finding mission.

Dumating sa Mactan-Cebu International Airport kahapon si Filibeck para sana dumalo sa dalawang araw na pagtitipon ng isang lokal na political party sa Pilipinas, pero pinigil siya sa immigration counter.

Sa isang pahayag, sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na blacklisted na si Filibeck dahil sa paglabag niya sa kondisyon ng kanyang pananatili bilang turista nang siya ay bumiyahe sa Pilipinas noong nakaraang taon.

Aniya, hindi maaaring payagan ng BI ang pagpasok ng mga dayuhan na hindi rumespeto sa mga awtoridad at nakialam pa sa panloob na usapin ng Pilipinas na isang soberanyang bansa.

“He was not supposed to do that because being a tourist he does not enjoy the rights and privileges of a Philippine citizen, particularly the exercise of political rights which are exclusively reserved to Filipinos,” saad ni Morente.

Tinukoy pa ng commissioner ang BI Operations Order na may petsang July 3, 2015, na nagbabawal sa mga dayuhang turista na makisangkot sa mga pampulitikang aktibidad sa Pilipinas.

Dagdag naman ni BI Spokesperson Atty. Ma. Antonette Mangrobang, noong August 2013 ay isa ring dayuhan ang ipina-deport, sa katauhan ng Dutch activist Thomas Van Beersum, matapos paiyakin ang isang pulis sa rally noon laban sa State of the Nation Address ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?