70

Dec 28, 2017 @ 19:17
By

BI, doble sipag sa dagdag kompensasyon dahil sa express lane fee

Ikinalugod ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapahintulot ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang nakolekta ng kawanihan mula sa express lane fee bilang dagdag kompensasyon sa kanilang mga empleyado.

Ayon kay Commissioner Jaime Morente, ang desisyon ng Pangulo ay pagpapakita ng sinserong pag-alala sa kalagayan ng mga empleyado ng BI.

Sa kanyang veto message sa ilang bahagi ng 2018 General Appropriations Act, pinahintulutan ng Pangulo ang pagtatalaga ng trust fund na kukunin mula sa express lane fees bilang dagdag kompensasyon sa mga manggagawa ng BI habang wala pang naipapasang batas ang Kongreso para sa modernisasyon ng BI.

Bilang tugon, tiniyak ni Morente na dodoblehin ng BI ang kanilang pagsisikap para masuklian ang positibong hakbang ng Pangulo.

“We promise to reciprocate the President’s generosity and support by working doubly hard in the discharge of our mandate as gatekeepers and border control officers of the country,” saad ni Morente.

Dagdag pa ni Morente, makakaasa rin ang publiko ng mas mahusay na serbisyo mula sa BI.

“…they can expect a more improved and efficient service from our personnel in all our ports and field offices throughout the country,” pagtatapos ni Morente.

Karamihan sa mga empleyado ng BI ay nasa ilalim ng salary grades 1 hanggang 11 at tumatanggap ng basic pay na P9,981 hanggang 19,620.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?